PNP, all set na para sa Traslacion 2026

All set na ang Philippine National Police (PNP) para sa gaganaping Traslacion bukas kung saan inaasahan ang milyon-milyong debotong dadalo para sa nasabing taunang relihiyosong aktibidad.

Ayon kay Acting PNP Chief Lt. General Jose Melencio Nartatez Jr., nakalatag na ang seguridad sa nasabing Pista at nakahanda na rin silang magpatupad ng real-time adjustment habang nakikipagugnayan sa ibang ahensya ng pamahalaan.

Ayon pa sa kanya, nag-deploy na ng sapat na bilang ng mga police personnel sa Quirino Grandstand maging sa Quiapo para masiguro ang pampublikong kaligtasan habang isinasagawa ang pananampalataya ng mga deboto.

Nakaposisyon na rin ng mga operatibang nakasibilyan at intelligence units para pigilan ang mga insidente kagaya ng pandurukot at pagnanakaw, panlilinlang, at iba pang uri ng pananamantala at krimen sa panahon ng pahalik.

Nagtalaga rin ang ahensya ng mga police assistance desk at dedicated na mga tauhan para tumulong sa mga debotong dadalo.

Ayon naman kay Manila Police District (MPD) Spokesperson Police Major Philipp Ines naka-full alert ang MPD para sa Traslacion, patuloy na ipatutupad ang maximum tolerance sa kanilang hanay at nagpaalala rin sya na ang tunay na deboto ay sumusunod sa tagubilin ng simbahan at awtoridad.

Facebook Comments