Isang daang porsyento nang handa ang Philippine National Police (PNP) para magbigay ng seguridad kaugnay sa nakatakdang paggunita ng tradisyunal na UNDAS o All Saints Day at All Souls Day sa November 1 at 2.
Ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde mahigit 32,000 mga pulis ang kanilang idineploy mula sa mga Police Regional Offices at National Support Units para magbantay sa halos limang libong pampublikong sementeryo, memorial parks at 76 na columbaria sa buong bansa.
Inaasahan aniya nilang aabot sa 14.6 milyong mga Pilipino ang tutungo sa mga sementeryo at memorial parks para dalawin ang puntod ng kanilang mga nasawing mahal sa buhay.
Katuwang ng PNP sa pagbabantay ang 86,977 na mga force multipliers mula sa mga Local Government Units (LGUs), Civil Action Groups, Civilian Volunteers organizations at motoring clubs na itatalaga rin sa mga Police Assistance Centers.
Bukod sa mga Police Assistance Centers, magkakaroon rin ng bantay sa lahat ng airports, seaports, bus terminals at train stations sa buong bansa para matiyak ang kaligtasan ng mga byahero ngayong Undas.