PNP, all systems go na para sa Undas

Handang-handa na ang buong pwersa ng Philippine National Police (PNP) para sa paggunita sa Undas.

Ayon kay PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., naglabas na ang Pambansang Pulisya ng operational guidelines sa lahat ng PNP units & offices para tiyakin na magiging maayos, ligtas at mapayapa ang paggunita sa todos los Santos.

Paalala pa nito sa publiko na para makaiwas sa dagsa ng tao sa sementeryo, mas mainam kung dadalaw sa namayapang mahal sa buhay ng mas maaga o huwag makisabay sa mismong pista ng patay.


Magkagayunman, kahit pa dagsain ang mga sementeryo ay nakahanda ang PNP para dito.

Sa katunayan, maglalagay ang PNP ng police assistance center sa kada sementeryo o memorial park katuwang ang Local Government Units, civilian volunteer organizations, at civic clubs.

Kasunod nito, mahigpit na tagubilin ni Azurin sa publiko na sundin pa rin ang health protocols lalo pa’t nananatili pa rin ang banta ng COVID-19.

Una nang sinabi ng PNP na nasa 25,000 hanggang 26,000 na mga personnel ang kanilang ipapakalat ngayong Undas.

Facebook Comments