Plantsado na ang seguridad ng Philippine National Police (PNP) para sa gaganaping inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, 12,000 hanggang 15,000 na mga pulis ang ipakakalat sa Hunyo 30 kung saan 7,000 sa mga ito ang magbabantay sa mismong paligid ng National Museum.
Bagama’t hindi papayagang makalapit sa National Museum ay hahayaan naman ng PNP na magsagawa ng kilos-protesta ang mga militanteng grupo sa mga itinalagang freedom park.
Posible ring magpatupad ng signal jamming sakaling kailanganin.
Samantala, limitado lamang ang pahihintulutang makalapit sa venue ng inagurasyon kung kaya’t pinayuhan ng PNP ang mga dadalo na magtungo nang maaga.
Bawal ding magsuot ng sombrero, jacket at backpack maliban na lamang kung transparent gayundin ng mga tubigan na hindi kita ang laman.
Samantala, sinimulan na ng mga awtoridad ang pagpapatupad ng road closure sa paligid ng National Museum bilang paghihigpit sa seguridad sa inagurasyon ni Marcos.
Kahapon, ilang kalsada na ang isinara partikular ang Padre Burgos Avenue, Finance Road, Maria Orosa Street at General Luna Street.
Habang mula alas-4:00 ng madaling araw hanggang alas-11:00 ng gabi sa June 30 ay isasara ang Ayala Boulevard at Victoria Street mula Taft Avenue papuntang Muralla Street.
Pinayuhan naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga apektadong motorista na dumaan sa mga sumusunod na alternatibong ruta:
Kung manggagaling sa Roxas Boulevard northbound, kumanan sa UN Avenue o TM Kalaw Avenue saka kumaliwa sa Taft Avenue.
Kung manggagaling naman sa eastbound, kumaliwa sa TM Kalaw o UN Avenue saka kumanan sa Taft Avenue.
Bukod dito, ilang kalsada rin malapit sa Malacañang at sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City ang isasara kabilang ang:
- Mendiola Street sa June 29 ng alas-12:01 ng madaling araw hanggang June 30 ng alas-11:00 ng gabi
- Jalandoni Street, PICC, Pasay City sa June 30 ng alas-4:00 ng madaling araw hanggang 11:00 ng gabi
- Legarda Street mula San Rafael hanggang Figueras St., sa Maynila sa June 30 ng alas-1:00 ng hapon hanggang alas-11:00 ng gabi