Aminado si Philippine National Police (PNP) chief General Guillermo Eleazar na napabayaan na nila ang pagpapatupad sa Body Mass Index (BMI) requirement ng mga pulis.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Eleazar na bagama’t naglagay na sila ng mga adjustment para sa mga pulis na may edad na at mahihirapan nang maghabol sa required BMI, bigla namang nagkaroon ng pandemya.
Aniya, naging limitado ang physical activities ng mga pulis dahil sa pandemya.
Maaari rin kasing maging mapanganib para sa kalusugan ng mga pulis kung mamadaliin nila ang pagbabawas ng timbang para lamang makasunod sa BMI.
“Even though meron tayong mga adjustment na ginawa, may pandemic po tayo ngayon e. nagsara po tayo ng sports facility, halimbawa dito sa Crame, yung amin pong sports facilities dyan, kinonvert namin sa isolation facilities, so papano mo ie-expect ngayon yung mga pulis natin na magkaroon ng ehersisyo e sinarado natin yan,” ani Eleazar.
“Pero pinag-aaralan pa rin natin paano mai-implement yan na resonable para sa lahat.”
Matatandaang sinuspinde ng PNP ang BMI bilang mandatory requirement sa promotion ng mga pulis dahil sa pandemya.