Manila, Philippines – Pinayuhan ng Philippine National Police (PNP) ang mga magulang na bantayang ang online activities ng kanilang mga anak.
Ito ay sa gitna ng tumataas na popularidad ng tila “nakamamatay” na social media game na “momo challenge”.
Ayon kay PNP-Anti Cybercrime Group Director, Police Brig/Gen. Marni Marcos Jr. – sinasabi ng mga web security experts na ang momo challenge ay isang kaso ng “moral panic” kung saan nililinlang ang mga biktima para kumpletuhin ang mga hamon na kinalaunan ay nagiging nakakapanakit o nahahantong pa sa kamatayan.
Panawagan ni Marcos sa publiko lalo na sa mga magulang, guardian, maging sa mga guro na sundin ang seven-point guidelines na inisyu ng national online safety, isang group ng online safety experts, upang makontra ang paglaganap ng momo challenge.
1. Sabihing hindi ito totoo, gaya ng isang urban legend o horror story.
2. Mahalagang parating nandyan ang mga magulang o guardian kapag online ang mga anak.
3. Ugaliin ding kausapin ang mga anak tungkol sa mga aktibidad nila online.
4. Tiyaking mayroong parental controls sa mga ginagamit na devices ng mga anak.
5. Peer pressure, ang mga trending at viral challenges ay maaring subukan ng mga bata, gaano pa man ito kadelikado o nakakatakot sa kanila.
6. Real o hoax, nararapat lamang na siyasatin ng mga magulang ang mga bagay na nakikita online na maaring mapanganib o hindi angkop sa mga bata.
7. Report at block, pinapayuhan ang mga magulang na isumbong ang anumang bagat na sa kanila ay hindi nararapat ilabas online at i-block ang account o yung content para maiwasang mapanood ito ng bata.
Nabatid na isang 11-anyos na batang lalaki sa Quezon City ang iniulat na namatay dahil sa drug overdose dahil sa pagsali sa momo challenge.