PNP at AFP, handa na para tumulong sa distribusyon ng ikalawang bugso ng ayudang pinansyal

Kumikilos na ngayon ang hanay ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para matukoy ang mga hakbang na kanilang gagawin sa pagtulong sa distribusyon ng ikalawang bugso ng ayudang pinansyal sa mga pamilyang lubhang apektado ng lockdown dahil sa COVID-19.

Ito ay matapos na iutos mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PNP at AFP na tumulong sa pamamahagi ng cash aid sa mga benepisyaryo nito.

Ayon kay AFP Chief of Staff General Felimon Santos Jr., suportado nila ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng cash aid lalo na sa mga malalayong lugar.


Wala aniyang problema sa deployment ng mga sundalo dahil sa ngayon naka-deploy na ang mga sundalo sa quarantine control points.

Sa ngayon, naghihintay na lang sila ng final plan sa DSWD kung saan tututok ang mga sundalo sa pamimigay ng cash aid at paglalatag ng mas mahigpit na seguridad.

Sa panig naman ng PNP, sinabi ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac na nakikipag-ugnayan na rin sila sa DSWD at AFP para maplantsa ang mga hakbang na kanilang gagawin.

Sinabi ni Banac na karangalan ng PNP ang makatulong sa pagbibigay ng ayuda sa mga mamamayan lalo na sa mga malalayo at isolated na lugar.

Ang PNP aniya ay may presensiya sa lahat ng barangay sa buong bansa.

Facebook Comments