PNP at DILG, kumpiyansang mahuhuli ang mga nasa likod ng kidnapping at human trafficking sa bansa

Tiwala ang Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na matutugis nila ang mga suspek na nasa likod ng kidnapping at human trafficking sa mga dayuhan sa bansa.

Ito ay matapos na mahuli kahapon ng PNP Anti-Kidnapping Group ang suspek sa pagdukot sa 43 mga chinese nationals na umano’y biktima ng human trafficking.

Naniniwala si DILG Sec. Benhur Abalos na mahuhuli nila ang iba pang kasabwat nang nahuling suspek kahapon na si Chen Yi Bien alyas Ayi, human resource officer ng Lucky South 99.


Sa ngayon, ani Abalos, tuloy ang pakikipag-usap nila ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration (BI) kasama rin ang ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa layuning makabuo ng sistema bilang bahagi ng kanilang pag-aksyon sa naturang problema.

Samantala, hinikayat din ng kalihim ang publiko na agad na isumbong sa kanila ang ganitong uri ng krimen upang maaksyunan ng PNP.

Facebook Comments