Ilalahad nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos Jr., at Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rommel Francisco Marbil ang mga mahahalagang detalye hinggil sa pagkawala at pagkakapatay sa beauty pageant contestant na si Geneva Lopez at fiancé nitong Israeli na si Yitshak Cohen.
Nitong Sabado, inanunsyo nina Abalos at Marbil ang kalunus-lunos na sinapit ng dalawa matapos matagpuan ang mga labi nito sa isang quarry site sa Barangay Sta. Lucia sa bayan ng Capas, lalawigan ng Tarlac.
Kaugnay nito, ini-ulat ni Criminal Investigation and Detection Group Director, PMGen. Leo Francisco ang pagsisiwalat ni alyas “Jess” na isa sa pitong persons of interest sa kaso.
Si Alyas Jess ang driver ng SUV kung saan isinakay ang bangkay nila Lopez at Cohen na nirentahan ng umano’y dalawang principal suspek na kapwa AWOL na pulis.
Batay sa isinagawang extrajudicial confession ni alyas Jess, laking gulat na lamang nya nang isakay sa minamaneho niyang SUV ang dalawang bangkay ng biktima.
Dahil sa takot na madamay ay sinunod niya ang lahat ng iniutos sa kaniya ng dalawang dating pulis kung saan siya ang nagsilbing gabay para mailibing ang mga bangkay sa naturang quarry site.
Bagama’t sinabi ni Francisco na tatayong state witness sa kaso si alyas Jess, hindi pa rin ito absuwelto sa pananagutan dahil titingnan kung gaano kalaki ang kanyang partisipasyon sa krimen.