Manila, Philippines – Palalakasin pa ng gobyerno ang pagbibigay ng seguridad sa mga lokal at dayuhang turista sa bansa sa ilalim ng programang TOPCOP o Tourist Oriented Police for Community Order and Protection.
Kahapon lumagda sa Memorandum of Understanding (MOU) sina PNP Chief Police General Oscar Albayalde at Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa isang simpleng seremoniya sa Kampo Crame.
Sa ilalim ng nasabing kasunduan, magtatatag ng isang Tourism Security Force ang PNP batay na rin sa Section 100 ng Tourism Act of 2009 upang siguruhin ang kaayusan at kapayapaan sa mga lugar kung saan dinadagsa ng mga turista.
Ayon kay Albayalde, nasa 4,000 mga tourist police ang kanilang sinanay kung saan 3,500 sa mga ito ang nasa ikalawang bahagi na ng pagsasanay at maaari nang isabak sa kanilang trabaho.
Bukod dito nagpapatuloy ang pagtatayo ng PNP ng mga tourist assistance centers at desks sa mga lugar na kakailangan ng presensya ng mga pulis.
Naniniwala naman si Tourism Secretary Romulo-Puyat na lalong lalakas ang sektor ng turismo kung makatitiyak ang mga turista na ligtas ang mga pupuntahan nilang mga lugar.