Manila, Philippines – Pinapakilos ni Senator Joel Villanueva ang Philippine National Police o PNP para resolbahin ang nadadagdagang kaso ng kidnapping kung saan ang mga biktima at sangkot ay pawang may kaugnayan umano sa Philippine Offshore Gaming Operations o POGO.
Ayon kay Villanueva, nakakaalarma ito kahit hindi mga Pilipino ang biktima.
Sabi ni Villanueva, dapat umaksyon na ang PNP dahil tila nagiging playground na ng mga dayuhang kriminal ang Metro Manila.
Ipinunto Villanueva na sa ganitong sitwasyon ay hindi maiwasang makwestyun kung sapat ba ang seguridad na ipinapatupad sa bansa para sa mga manggagawa, dayuhan man o mga Pilipino.
Ibinabala ni Villanueva na kung hindi mareresolba at mapapahinto ang mga kaso ng kidnapping ay tiyak na maaapektuhan nito ang pag-engganyo ng Pilipinas sa mga negosyante.
Kaugnay nito ay pinapadoble kayod din ni Villanueva ang joint DOLE-BI-BIR-DOJ Task Force para mag-imbestiga at tumulong sa paghabol sa mga illegal foreign workers sa bansa.