Nagpulong ang mga mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Integrated Bar of the Philippines (IBP) para matugunan ang tumataas na bilang ng mga abogado na nasasawi sa police operations.
Ang pagpupulong ay pinangunahan ni PNP Officer-in-Charge Lt. General Guillermo Eleazar at IBP President Atty. Domingo Egon Cayosa.
Sa joint statement na inilabas ng dalawang kampo inihayag nilang magtutulungan na sila at paiigtingin ang kanilang komunikasyon kaugnay sa mga kaso ng mga hukom, prosecutor at mga nagtatrabaho sa legal profession na napapatay.
Tiniyak naman ng PNP, na hindi nila kinukunsinte ang mga mali at kwestyonableng operasyon, maging ang pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga pulis na hindi sumusunod sa kanilang mandato na magpanatili ng kaayusan at kapayapaan.
Kung mapapatunayang aniyang may paglabag sa Konstitusyon ay kanila itong papanagutin sa ilalim ng batas.
Sa panig naman ng IBP, pinamamadali nito sa PNP ang pag-iimbestiga sa mga pagpatay sa abogado at matukoy at makulong ang mga may kakagawan nito nang sa ganun makamit ang hustisya.
Siniguro naman ng IBP na magbibigay sila ng legal assistance sa mga kwalipikadong pulis na naha-harass at walang access sa magaling na abogado.
Inihayag naman ni Eleazar kay Cayosa na nagsasagawa na ng review ang PNP Human Rights Affairs Office sa human rights standards sa mga police operations.