May mga sinusubaybayan nang ‘persons of interest’ ang Philippine National Police at National Bureau of Investigastion kaugnay ng sunod-sunod na pag-atake sa mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC).
Pero ayon kay BOC Spokesperson Atty. Jett Maronilla, hindi pa nila ito pwedeng isapubliko dahil nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon.
Maliban dito, may mga tinitingnan na ring anggulo ang mga awtoridad.
Batay sa mga natatanggap nilang ulat, posibleng may kinalaman sa trabaho ang mga insidente ng pananambang sa kanilang mga tauhan.
Gayunman, aminado si Maronilla na palaisipan sa kanila ang motibo ng mga pag-atake lalo’t mabubuting empleyado ng ahensya ang mga naging biktima.
Kaugnay nito, ini-activate na ng BOC ang kanilang Quick Reaction Team na layong gumawa ng security plan para sa mga tauhan ng ahensya na natatakot at nag-aalala na rin para sa kanilang seguridad.
Nabatid na mula December 23, 2021 hanggang February 11, 2022, anim na insidente na ng pag-atake ang naitala ng BOC kung saan dalawa sa mga biktima ang nasawi na kinilalang sina BOC Senior Appraiser Eudes Nerpio at IT Operator Gil Manlapaz Jr.
Nagpalabas na rin ang BOC ng P300,000 pabuya sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon na makakatulong sa pagresolba sa kaso.