PNP at NBI, sanib pwersa sa pagtukoy kung sino ang nasa likod ng pananabotahe sa mga vaccination sites sa Metro Manila kaya ito dinagsa ng publiko

Magkatuwang na tutuntunin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) ang utak sa likod ng pananabotahe ng ginagawang vaccination ng pamahalaan.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Usec. Jonathan Malaya na tila organisado kasi ang pagdagsa ng ating mga kababayan sa ilang vaccination sites sa Las Piñas, Maynila at Antipolo.

Base sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang mga dumagsang tao ay mula sa karatig lalawigan ng National Capital Region (NCR) dahil may nagpakalat ng fake news na hindi makakalabas sa loob ng 2 linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) at hindi rin makakakuha ng ayuda hangga’t hindi bakunado ang isang indibidwal.


Ani Malaya, may naghatid na mga sasakyan at bus sa mga dumagsang tao sa iba’t ibang vaccination sites.

Paliwanag ng opisyal, hindi ito palalampasin ng pamahalaan at papanagutin ang nasa likod ng pananabotahe.

Giit pa nito, ang ginawang pananabotahe ay hindi lamang threat sa public health kundi banta rin sa ating national security.

Facebook Comments