Manila, Philippines – Aasahan na ang pagdami ng presenya ng mga miyembro ng PNP Aviation Security Group sa mga paliparan sa bansa ngayong Semana Santa.
Ayon kay PNP AVSE Group Director Police Chief Supt. Dionardo Carlos, magpapatrolya ang kanyang mga tauhan sa mga paliparan partikular sa mga terminal upang alalayan ang mga pasahero at matiyak na ligtas ang pagbyahe ng mga ito na inaasahang dadagsa bago ang Miyerkules Santo.
Maglalagay din aniya sila ng Police Assistance Desk na dagdag tulong sa mga pasahero ng mga paliparan.
Katuwang aniya nila sa pagbabantay sa mga paliparan ang mga Local Police Officers, Security Guards ng Airpot Authorities at iba pang security forces ng paliparan.
Partikular na makikita aniya ng presenya ng mga taga PNP AVSE Group sa control landside ng mga airport.
Kaugnay nito patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PNP AVSE Group sa ibat ibang intelligence units upang matiyak na hindi nakakagamit ng paliparan ang mga binabantayang terorista na posibleng samantalahin ang dagsa ng mga pasahero ngayong Semana Santa.