
Sa nalalabing 25 araw bago ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections sa Oktubre 13, 2025, todo-bantay ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga private armed group para masiguro ang mapayapa at malinis na halalan.
Ayon kay acting PNP Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr., mandato nilang siguraduhin na ang mga mamamayan ng BARMM ay makakaboto nang malaya at walang takot.
Mula Aug. 14 hanggang Sept. 16, 2026, nakapaglatag ang PNP at Commission on Election (Comelec) ng 14,828 checkpoints na nagresulta sa pagkaka-aresto ng 22 na mga indibidwal at 32 ng nakumpiskang baril dahil sa umiiral na gun ban.
Tuloy-tuloy rin ang operasyon kontra loose firearms at private armed groups.
Sinabi pa ni Nartatez na naka-alerto na rin ang Regional Joint Security Control Center para sa mabilis na koordinasyon ng PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), at Comelec sa anumang posibleng insidente.
Tiniyak pa ng Pambansang pulisya na tuloy-tuloy ang mahigpit na pagpapatrolya, gun ban enforcement, at inter-agency drills hanggang mismong araw ng halalan.









