
Binawi ng Philippine National Police ang firearms license na inisyu sa businessman na si Charlie “Atong” Ang kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungeros.
Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Maj. Gen. Robert Alexander Morico II, para maisagawa ng maayos ang manhunt operation ay inirekomenda nila kay Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagbawi sa lisensya ng baril ni Ang, at ito ay inaprubahan.
Dagdag pa niya, nakipag-ugnayan na rin ang CIDG sa mga abogado ni Ang kung saan inatasan ang pagsuko ng mga baril sa opisina ng Firearms and Explosives Office.
Batay sa record, mayroong anim na baril na nakarehistro sa pangalan ni Ang.
Samantala, nag-request na rin ang PNP sa International Criminal Police Organization (Interpol) ng Red Notice laban kay Ang. Layunin nito na maaresto siya sakaling makalabas ng bansa sa pamamagitan ng mga backdoors.
Sa ngayon, itinuturing nang most wanted sa buong Pilipinas si Atong Ang kaugnay ng kaso ng pagpatay sa mga nawawalang sabungeros.










