PNP, binawi ang pahayag na “misencounter ” ang nangyari sa pagitan ng mga pulis at sundalo sa Jolo, Sulu

Binabawi na ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang pahayag na “misencounter” ang nangyari sa mga pulis at mga miyembro ng Philippine Army sa Jolo, Sulu na dahilan ng pagkamatay ng apat na sundalo.

Ayon kay PNP Spokesperson Brigadier General Bernard Banac, shooting incident ang nangyari sa pagitan ng mga pulis at sundalo.

Ito ay batay aniya sa police report, kung saan sinasabing tinutukan lang ng baril ng mga nasawing sundalo ang mga pulis.


Pero agad na nagpaputok ng baril ang mga pulis at niratrat ang apat na sundalo na agad nilang ikinamatay.

Samantala, kinumpirma rin ni Banac nitong June 29 na agad ding sinibak sa pwesto ang siyam (9) na pulis na sangkot sa insidente na ngayon ay nasa restricted custody na.

Kinilala ang mga sinibak na sina PSSg. Almudzrin Hadjaruddin, Pat Alkajal Mandangan, Pat Rajiv G Putalan, PSMS. Abdelzhimar Padjiri, PMSg. Hanie Baddiri, PSSg. Iskandar Susulan, PSSg. Ernisar Sappal, PCpl. Sulki Andaki at Pat Moh. Nur Pasani.

Kinumpirma rin ni PNP-BARRM Regional Director BGen. Manuel Abu na sinibak na rin sa pwesto ang chief of police ng Jolo Municipal Police Station na si Lt. Col. Walter Annayo.

Ito ay bilang protocol habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa insidente.

Sa ngayon, nasa custody ito ng Sulu PNP.

Kahapon, una nang naglabas ng sama ng loob si Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Gilbert Gapay at sinabing “rubout” ang nangyari sa pagitan ng mga pulis at kanyang mga tauhan sa Sulu.

Facebook Comments