PNP, binigyan na ng go signal ng korte na suriin ang mga equipment ng umano’y Chinese spy

Courtesy: PNP-CIDG

Binigyan na ng Quezon City Regional Trial Court Branch 90 ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group ng Warrant to Examine Computer Data para sa digital forensic examination sa mga high-tech na gamit na nakumpiska sa isa umanong Chinese spy.

Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group National Capital Region Chief Police Col. Joel Ana, kahapon ay na-turn over na nila sa PNP Anti-Cybercrime Group ang mga gamit na subject ng warrant.

Kinakailangan kasi nila itong ipatupad agad agad dahil 10 araw lamang ang binigay na palugit ng korte.


Kasama sa mga gamit na pinasusuri ng CIDG sa ACG ang mga cellphone, antenna system, radio receiver/transmitter, router, aerial drone, pati na ang tablet at laptop ng Chinese.

Nabatid na naantala ang digital forensic examination sa naturang mga gamit dahil Warrant to Disclose Computer Data at hindi Warrant to Examine ang inilabas ng Makati RTC Branch 148 kaya kinailangan pa ng CIDG na mag-apply nito sa ibang korte.

Sa ngayon, nananatili pa rin sa kustodiya ng CIDG sa loob ng Camp Crame ang Chinese na nahuli pero inaayos na rin ang paglilipat nito sa PNP Custodial Facility.

Facebook Comments