Nangako ang Pambansang Pulisya na tututukan ang panibagong kaso ng harassment sa isa na namang miyembro ng media.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief Police Brig. General Roderick Augustus Alba, ikinakasa na ang imbestigasyon hinggil sa nangyaring pambubugbog ng apat na kalalakihan sa blocktimer ng DYRI-RMN Iloilo na si Florencio “Flo” Hervias.
Sa ngayon, ani Alba ay inatasan na ng PNP ang Iloilo City Police Office na magbigay ng seguridad kay Hervias.
Nagpapatuloy rin ang manhunt operation ng mga awtoridad sa 4 na suspek kung saan may mga ipinakalat ng checkpoint sa lungsod.
Samantala, sinabi naman ni PNP Chief Rodolfo Azurin Jr., na anumang banta sa seguridad ng isang mamamahayag ay maituturing na serious case ng PNP kung saan kinakailangan ng agarang aksyon.
Tiwala rin sila na habang gumugulong ang imbestigasyon sa kaso ni Hervias ay magkakaroon ito ng positive development.
Matatandaang kahapon matapos ang programa ni Hervias sa DYRI ay inabangan ito ng apat na kalalakihan at tsaka ginulpi.