PNP, bubuo ng task group para sa flood control project validation ng DPWH

Nakatakdang bumuo ang Philippine National Police (PNP) ng top-level task group na tututok sa pagbibigay ng seguridad at suporta sa validation ng mga flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ito’y kasunod ng liham ni DPWH Secretary Vince Dizon na ipinadala sa PNP kung saan humihingi ito ng police assistance para sa nationwide validation ng mga proyekto.

Ayon kay Acting PNP Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., mahalagang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa proseso, lalo’t bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lumabas ang katotohanan at papanagutin ang mga sangkot kung may iregularidad.

Ani Nartatez, handa ang PNP na mag-deploy ng tauhan upang tiyakin ang transparency, integridad, at seguridad habang isinasagawa ang validation.

Nilinaw din ni Nartatez na hindi maaapektuhan ang iba pang pangunahing tungkulin ng pulisya gaya ng crime prevention, law enforcement, at disaster response.

Bukod sa pagbibigay ng seguridad ay nakatakdang bumuo ng grupo na makikipag-ugnayan sa mga engineer at opisyal ng DPWH at regular na mag-uulat sa DPWH, Department of the Interior and Local Government (DILG), at Malacañang.

Pinag-aaralan din ang paggamit ng body-worn cameras para masigurong transparent ang proseso.

Facebook Comments