Welcome sa liderato ng Philippine National Police (PNP) ang planong imbestigasyon ni Senator Bong Revilla hinggil sa tangka umanong cover up sa pagkakaaresto kay PMSgt. Rodolfo Mayo na nahulihan ng P6.7 bilyong iligal na droga noong October 2022.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., mas makakabuti kung maglulunsad ng imbestigasyon hinggil dito ang mataas na kapulungan ng kongreso upang mabigyang linaw ang lahat ng katanungan ng mga mambabatas.
Sinabi pa nito na hindi nila kinukunsinti ang sinumang pulis na mapapatunayang nagkasala, sa katunayan ay sibak na sa pwesto si Mayo at nakabinbin sa korte ang kasong isinampa laban dito.
Kung maaalala hinimok ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang dalawang heneral ng PNP at walo pang pulis na mag-leave of absence habang nakabinbin ang imbestigasyon sa 990 kilo ng shabu haul na katumbas ng P6.7 bilyon na nakumpiska sa drug raid noong Oktubre dahil sa umano’y tangkang cover up sa kaso.