PNP, bumili ng mahigit P700-M halaga ng mga bagong sasakyan, baril at mga kagamitan

Kasunod nang nagpapatuloy na modernization program, bumili ang Philippine National Police (PNP) ng mga bagong sasakyan, force protection at IT equipment.

Binubuo ang P761.2 million ng 130 personnel carrier (4×4), 41 units advance life support ambulance, 1,464 all-purpose vest (tactical vest Level III), 212 units of 5.56mm light machine gun at 8,001 units 9mm striker fired pistol.

Pinondohan ito sa pamamagitan ng Capability Enhancement Programs mula 2019 hanggang 2022.


Ayon kay PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., sa pamamagitan ng mga makabagong kagamitan, magagamit ito ng kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan ng komunidad.

Mapupunta ang mga bagong patrol vehicles sa Provincial Mobile Force Company at Municipal Police Stations habang ang mga ambulansya naman ay sa PNP Health Service, ang mga all-purpose vest sa mga high-risk police stations at ang mga baril ay ipapamahagi sa bawat police stations sa bansa.

Kasunod nito, umaapela si PNP Chief Azurin sa mga pulis na mabibigyan ng bagong gamit na ingatan at gamitin ito sa tama dahil ang ipinambili sa mga ito ay buwis ng taumbayan.

Facebook Comments