PNP, bumuo na nang team na tutulong sa mga contact tracers

Iniutos na ni Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander, Lt. Gen. Camilo Cascolan sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang pagbuo ng team na nakatuon lamang sa pagtulong sa mga nagsasagawa ng contact tracing kaugnay pa rin sa nararanasang COVID -19 pandemic.

Ito ay matapos ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PNP na tulungan makapagbiyahe ang mga government personnel na nagsisilbing contact tracer para mahanap ang mga indibidwal na positibo sa COVID-19.

Ayon kay Cascolan, partikular niyang utos kay CIDG Deputy Director Brigadier General Roderick Armamento na makipag-ugnayan muna kay Tracing Czar Baguio City Mayor Benjie Magalong para sa kanilang mga dapat gawin na makatutulong para mapabilis pa ang contact tracing.


Tiniyak naman ni Armamento kay Lt. Gen. Cascolan ang kanilang kahandaan sa pagtupad sa panibagong utos ng Pangulo.

Sa katunayan, natukoy na ng PNP-CIDG kung sino ang mga dapat kontakin bawat rehiyon.

Ipinaliwanag naman ni Cascolan na ang binubuong team ay direktang aalalay sa Local Government Unit (LGU) partikular ang pagbibigay ng masasakyan sa mga lugar na kinakailangan ng tulong ng pulis.

Facebook Comments