Bumuo na ang Philippine National Police ng special investigation task group na mag-iimbestiga sa nangyaring pamamaril sa isang mamamahayag at pamilya nito sa Quezon City noong Huwebes.
Kasunod ito ng utos ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na bilisan ang imbestigasyon at pagtukoy sa mga suspek.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Brig. Gen. Redrico Maranan, na siya ring focal person ng Presidential Task Force on Media Security, nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa pamilya at kasamahan sa trabaho ni Joshua Abiad, photographer ng Remate Online.
Nanawagan din si Maranan sa publiko na magbigay ng anumang impormasyon na makatutulong sa imbestigasyon.
Sakay ng kanyang sasakyan si Abiad kasama ang ilan niyang kamag-anak nang bigla silang pagbabarilin ng isang lalaki na bumaba rin mula sa isang kotse sa bahagi ng barangay masambong.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek kasama ang isang motorcycle rider na nagsilbi nitong lookout.
Sugatan sa insidente si Abiad, dalawa nitong kapatid, isang pinsan at isang bystander.