Bumuo na ang Philippine National Police (PNP) ng tracker teams na magsasagawa ng manhunt operations laban sa mga suspek sa pagpatay sa flight attendant na si Christine Angelica Dacera.
Matatandaang binigyan ng PNP ng 72-hours na ultimatum ang mga suspek na sumuko sa mga awtoridad o pwersahan silang aarestuhin.
Ayon kay PNP Chief General Debold Sinas, naglabas na ng subpoena ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa mga hindi pa sumusuko sa pulisya.
Kapag nabigo ang mga suspek na sumuko, sasampahan nila ang mga ito ng direct contempt na hahantong sa paglalabas ng arrest warrants.
Nabatid na kabilang sa mga tinukoy na suspek sa kaso ay sina:
Gregorio Angelo Rafael de Guzman
Louie de Lima
Clark Jezreel Rapinan
Rey Ingles Mabini
Mark Anthony Rosales
Jammyr Cunanan
Valentine Rosales
Isang nagngangalang Ed Madrid
Ipinag-utos naman ng Makati City Prosecutors Office kahapon ang paglaya ng mga suspek na sina John Pascual Dela Serna III, Rommel Galido at John Paul Halili.
Sinabi ni Prosecutor General Benedicto Malcontento na sasailalim ang 11 suspect sa preliminary investigation na gagawin sa January 13, alas-10:00 ng umaga.
Nais malaman sa imbestigasyon kung ginahasa at pinatay si Dacera.
Inatasan din ang mga police investigators na magpasa ng karagdagang ebidensya gaya ng DNA analysis report, toxicology/chemical analysis at histopath examination report.