
Puspusan ang ginagawang paghahanap ng Philippine National Police (PNP) sa mga natitira pang akusado sa pagpatay kay dating police general at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Secretary Wesley Barayuga, matapos maglabas ng warrant of arrest ang Mandaluyong City court.
Ayon kay acting PNP Chief PLTGen. Jose Melencio Nartatez Jr., pamumunuan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga tracker teams para ipatupad ang warrant of arrrest laban sa mga akusado.
Sinabi ni Nartatez na inatasan na niya ang CIDG at iba pang unit ng PNP na makipag-ugnayan sa regional police offices at intelligence divisions para tutukan ang galaw ng mga suspek at agad na arestuhin kapag may pagkakataon.
Binigyang-diin pa ni Nartatez na walang pinipili ang batas dahil anuman ang ranggo o dating posisyon, ay kanilang aarestuhin ang mga ito.
Sa ngayon, tanging si Lt. Col. Santie Mendoza pa lamang ang nasa kustodiya ng PNP at nakadetine sa Personnel Holding and Accounting Unit sa Camp Crame.
Sa naging desisyon ng Mandaluyong city Regional Trial Court (RTC) Branch 279, ang inilabas na arrest warrant ay laban kanila dating PCSO General Manager at ret. col. Royina Garma; Lt. Col. Mendoza; dating NAPOLCOM Commissioner at ret. Col. Edilberto Leonardo; at mga sinibak na pulis na sina Nelson Enriquez Mariano at Jeremy “Toks” Causapin na nahaharap sa mga kasong murder at frustrated murder kaugnay sa pagkamatay ni Barayuga.









