PNP, bumuo ng Special Investigation Task Group para tumutok sa kaso ng pamamaril sa isang customs lawyer sa Pasay

Nagtutulungan na ang pwersa ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) sa pag-iimbestiga sa kaso ng pamamaril sa Customs Lawyer na si Atty. Joseph Samuel Zapata.

Ito ay matapos na kumpirmahin ni PNP Spokesperson, P/Col. Jean Fajardo na bumuo na ng Special Investigation Task Group o SITG ang PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na siyang nakatutok sa kaso.

Matatandaang nitong Lunes ay tinambangan si Zapata habang sakay ng kaniyang puting SUV ng dalawang suspek na magka-angkas sa motorsiklo habang binabagtas ang bahagi ng Macapagal Blvd. sa Pasay City.


Ayon kay Fajardo, batay sa isinagawang cross-matching sa mga bala ng baril na nakuha sa lugar ng pamamaril kay Zapata ay nagtugma ito sa 9mm na baril na ginamit rin sa dalawa pang insidente ng pamamaril sa Rizal nitong nakalipas na January at February.

Dahil dito, ayon kay Fajardo, nakatututok ang PNP sa kasong ito upang malaman kung may kaugnayan sa trabaho ni Zapata bilang customs lawyer ang pamamaril dito.

Facebook Comments