Pinaiimbestigahan na ni Philippine National Police o PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin ang nangyaring pagpaslang sa isang barangay chairman sa bayan ng Rizal sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Azurin, isang Special Investigation Task Group na ang binuo upang tutukan ang kaso ng pagkamatay ni Brgy. Anurturu Chairman Roberto de Ocampo.
Batay sa inisyal na impormasyon na nakarating sa Kampo Crame, nangyari ang krimen nito lamang Agosto 10 kung saan tinambangan ng mga hindi pa natukoy na salarin si De Ocampo habang siya’y nagmamaneho sa bahagi ng Brgy. Gumarueng, Piat, Cagayan.
Nagawa pang magmaneho ni De Ocampo papalayo sa mga suspek subalit hindi na nito kinaya ang dami ng tama ng bala ng baril sa kaniyang katawan habang nagtamo naman ng minor injuries ang asawa niyang si Leonora.
Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala mula sa baril na ginamit ng mga salarin na agad pumulas matapos isakatuparan ang masama nilang balak.
Sa huli, tiniyak ni Azurin na hindi nila tatantanan ang pagtugis sa mga salarin upang agad silang maihatid sa kamay ng batas at mapanagot sa kanila namang ginawa.