Burgos, Isabela- Kinumpirma ni Police Senior Inspector Juan Deodato ang Acting Chief of Police ng PNP Burgos na ang kanilang bayan ay isa umano sa pinakatahimik na lugar sa lalawigan ng Isabela.
Sa ibinahaging impormasyon ni PSI Deodato sa programang Sentro Serbisyo ng RMN Cauayan, sinabi nito na wala ng ibang kaso ng krimen ang naitatala sa kanilang bayan maliban nalang sa aksidente sa kalsada na kinasasangkutan ng mga motorsiklo at mga kuliglig na mabibilis ang patakbo.
Dagdag pa niya, sa kabuuang bilang na 14 barangays sa kanilang bayan ay siyam mula rito ang may naitalang drug identified na kung saan ay may kabuuang bilang na 115 na kataong sangkot sa iligal na droga.
Aniya, lahat umano ng mga ito ay tapos nang sumailalim sa Community Based Rehabilitation Program noon pang nakaraang taon at wala naman ng mga nahuhuli at naidaragdag sa kanilang listahan at ito ay dahil umano sa kanilang puspusang pagtutok sa kampanya kontra iligal na droga sa kanilang bayan.
Samantala, wala naman umanong indikasyon ng anumang problema ang kanilang bayan lalo na sa gaganaping halalan sa halip ay handa na umano ang mga kapulisang nakatalaga sa pagbabantay sa kaayusan at seguridad ng gaganaping barangay at Sk eleksyon para bukas.
Patuloy parin ang ginagawang pagtutok ng kapulisan ng Burgos sa pangunguna ng PSI Deodato sa pagbabantay kaayusan at seguridad ng gaganaping halalan at mahigpit din umano sila sa pagmamasid sa mga kandidato para maiwasan ang vote buying sa kanilang bayan.