Kamakailan ay kumalat sa social media na may isang mag-aaral ng Cabagan Science Elementary School na nasa ika-anim na baitang ang muntik ma-kidnap.
Dahil dito nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang kapulisan ng Cabagan at kinuhanan ng testimonya ang mga residente sa nasabing lugar.
Batay sa pahayag ng mga nakuhanan ng testimonya wala umano silang napansin na ganoong pangyayari. Negatibo rin ang nasabing balita base sa resulta ng mga nakolektang mga CCTV footages sa lugar.
Bilang hakbang, nakipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa punong-guro ng nasabing paaralan at nag-deploy ng karagdagang pulis sa lugar upang masiguro ang kaligtasan ng mamamayan.
Pinaalalahanan naman ni PMAJ Rey Lopez, hepe ng Cabagan PS ang publiko na huwag agad magpapaniwala sa mga balitang walang kompirmasyon at batayan mula sa mga kinauukulan.
Dagdag pa nito, mag-ingat sa mga pinopost o binabahagi sa social media na nagiging sanhi ng alarma at pangamba ng publiko.