Cauayan City, Isabela*- *Sumailalim na rin ngayong araw, Pebrero 3, 2021 sa swab test ang 50 porsiyento na kasapi ng Cabagan Police Station para masuri sa COVID-19.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLt Catherine Bañares, Admin at PCR Officer ng PNP Cabagan, una pa lamang ang himpilan ng Cabagan sa probinsya na sumailalim sa libreng swab test sa inisyatiba na rin ng kanilang hepe na si PMaj Rodante Albano.
Ito ay bilang pagsunod na rin aniya sa direktiba ng PRO2 Regional Director PBGen Crizaldo Nieves na dapat lahat ng kasapi ng pulisya sa rehiyon ay dumaan sa swab test.
Ayon pa kay PLt Bañares, makukuha aniya ang kanilang resulta pagkatapos ng 48 oras.
Hinati na lamang ang kanilang schedule upang hindi maapektuhan ang trabaho at pagbibigay serbisyo sa publiko.
Sinabi pa ni PLt Bañares, ang mga matatapos na sumailalim sa swab test ay mananatili lamang sa himpilan ng pulisya habang hinihintay ang kanilang resulta.
Ang nasabing swab testing ay sa pakikipagtulungan na rin ng Philippine Red Cross (PRC) Ilagan City.