PNP-Calabarzon, inalerto kasunod ng inaasahang pagdami ng kaso ng vote buying

Inalerto ngayon ni Police Regional 4-A Director Brig. Gen. Edward Carranza ang kanyang mga tauhan kasunod ng inaasahang pagdami ng kaso ng vote buying sa rehiyon.

Kasunod ito ng pagkakaaresto sa sampung indibidwal sa Barangay Zapote 5, Bacoor Cavite dahil sa pamimili ng boto.

Ayon kay Carranza, asahan na dadami pa ang ganitong karuming laro ng mga kandidato para matiyak na mananalo sila sa eleksyon.


Kaya apela niya sa publiko, patuloy na isumbong sa kanila ang mga ganitong gawain para agad na maaksyunan ng mga otoridad.

Samantala, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa nadiskubreng vote buying sa Cavite.

Bukod sa mga ipinamumudmod na pera, nakumpiska rin sa mga suspek ang ilang t-shirt na may tatak ng pangalan nina gubernatorial candidate Jonvic Remulla, vice gubernatorial bet Jolo Revilla at ng party-list group na Wow 169 Pilipinas.

Lumalabas din sa inisyal na imbestigasyon na empleyado ng Cavite Provincial Capitol ang mga naaresto.

Nauna nang itinanggi ni Remulla ang alegasyong namimili siya ng boto.

Facebook Comments