PNP Cauayan City at SM Cauayan, Pinaalalahanan ang Publiko sa ilang Modus ng Kawatan!

*Cauayan City, Isabela*- Tinalakay ng Cauayan City Police Station ang ilang mahahalagang paalala sa mga mamimili, mall tenant at security personnel sa SM City Cauayan na maging handa sa ilang modus ng mga kawatan sa mga matataong lugar sa isinagawang Lecture on Petty Crime Awareness ngayong araw.

Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Lt. Col Gerald Gamboa, Hepe ng PNP Cauayan, nagbigay sila ng ilang mga tips kung paano maiiwasan at mahuhuli ang ganitong uri ng modus.

Ilan din aniya sa modus ay ang paglaslas ng mga bag, pagpapaatras sa isang indibidwal at dun na umano isasagawa ang pandurukot.


Binigyan diin din ni Col. Gamboa ang salitang “PAKAPA” na ang ibig sabihin ay ‘Pagkakataon, Kakayahan at Pagnanasa” at ito ay kailangan na maging alerto ang publiko upang mapigilan ang ganitong modus ng ilang kawatan sa matataong lugar gaya ng malls.

Bukod dito, bumaba din ang kabuuang bilang ng mga naitalang petty crime sa lungsod.

Pagtitiyak naman ni Col. Gamboa na sa kanyang pamumuno bilang bagong talagang hepe ng lungsod ay mas higit nitong pagtutuunan ang ilang isyung panlipunan gaya ng droga, pagnanakaw at iba pa.

Samantala, patuloy naman ang pagtututok ng pamunuan ng nasabing mall sa ganitong uri ng modus at agad naman nila itong ipinapaalam sa mga awtoridad sakaling maisagawa ang modus ng kawatan.

Facebook Comments