Cauayan City, Isabela – Nakatakdang dumalo sa isasagawang declaration and awarding of certificate ng mga drug free at drug clearded barangay ang Cauayan City Police Station na gaganapin sa bayan ng Angadanan ,Isabela ngayong buwan ng Oktubre.
Ito ang kinumpirma ni Police Senior Inspector Esem Galiza, ang tagapagsalita ng PNP Cauayan City kaugnay sa mga idedeklarang barangay sa lungsod ng Cauayan na malinis na sa usapin ng droga.
Kabilang umano sa mga maideklarang barangay drug cleared sa lungsod ng Cauayan ay ang barangay Baringin Norte, Linglingay at Culalabat kung saan ay ika-apat na umanong deklarasyon ito na dadaluhan ng Cauayan City Police Station.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Police Senior Inspector Galiza sa kooperasyon ng mga barangay sa kanilang kampanya kontra sa iligal na droga.
Samantala iilan na lamang umano ang nahuhuli dito sa lungsod ng Cauayan na may kaugnayan sa droga kung saan ay karamihan naman umano na nahuhuli sa ngayon ay mula sa mga karatig na bayan.