PNP Cauayan City, Seryoso sa Implementasyon ng Pagsusuot ng Face mask at Face shield

Cauayan City, Isabela- Nagpapatuloy pa rin ang mahigpit na pagpapatupad ng PNP Cauayan City sa mga local ordinance na ibinababa ng mga kinauukulan ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Lt Escarlette Topinio, PIO ng Cauayan City Police Station, kanyang sinabi na sa kanilang bente kwatro oras na pagpapatrolya at pagbabantay sa Lungsod ay marami pa rin nasisita na mga walang suot na helmet na kadalasang rason ng mga ito ay naiwan sa kanilang bahay.

Maging ang pagsusuot ng face shield at face mask ay mahigpit rin aniya nilang ipinatutupad sa Lungsod bilang proteksyon laban sa COVID-19.


Nilinaw ni PLT Topinio sa mga nagmomotorsiklo na kinakailangan pa rin magdala ng face shield bukod sa suot na face mask at helmet.

Kaugnay nito, kanilang pinapaalalahanan ang lahat ng mga motorista na bago bumaybay sa kalsada ay huwag kalimutang magdala ng face shield, magsuot ng helmet at facemask.

Samantala, bukod sa pagpapatupad ng health and safety protocols kontra COVID-19 ay abala rin ang PNP Cauayan City sa kanilang isinasagawang feeding program at pagbibigay tulong sa mga pamilyang nasa malalayong lugar na higit na nangangailangan.

Facebook Comments