Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Police Maj. Esem Galiza, chief investigator ng Cauayan City Police Station, nakikiusap aniya ang himpilan ng pulisya sa mga Cauayenyo na ipagbigay alam sa kanilang tanggapan kung may nakikita o kakilala na sangkot sa iligal na droga.
Kasunod na rin ito ng kanilang pinakahuling accomplishment na pagkakahuli ng isang 42 years old na businessman kamakailan sa pamamagitan ng kanilang isinilbing search warrant na kung saan nasamsam sa loob ng nirerentahahang stall ng suspek sa barangay San Fermin ang anim (6) na piraso ng heat sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, anim (6) na aluminum foil, dalawang (2) piraso ng lighter at isang piraso ng box ng blue ballpen na pinaglagyan sa mga nakuhang pinaniniwalaang shabu.
Inamin din ng Chief Invest ng pulisya na meron pang mga indibidwal sa Lungsod ng Cauayan ang binabantayan ngayon ng kapulisan katuwang ang PDEA kung kaya’y hindi sila tumitigil sa kanilang anti-illegal drugs campaign upang mawalis na ang mga taong sangkot sa ipinagbabawal na gamot at bilang paghahanda na rin para tuluyang maideklara na Drug cleared City ang Cauayan.
Kaugnay nito ay muling nakikiusap ang kapulisan sa mga residente ng Cauayan City lalo na sa mga kabataan na iwasan o ihinto na ang paggamit at pagtutulak ng iligal na droga.
Ipinanawagan din ng pulisya sa mga residente ng Cauayan City ang pakikiisa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga otoridad na huwag magdalawang isip na magsumbong sa pulis kung may kakilala na gumagamit o nagbebenta ng droga upang sa ganon ay tuluyang mawakasan ang iligal drugs sa Syudad.