PNP CAUAYAN, NAGPAALALA KASUNOD NG PAGKAKAHULI NG ISANG ONLINE TEACHER SA KASONG 89 COUNTS NG QUALIFIED THEFT

Cauayan City, Isabela- Nagbigay ng paalala ang pamunuan ng PNP Cauayan sa mga manggagawa o empleyado na iwasang gumawa ng pandaraya o panloloko sa kumpanyang pinagtatrabahuan.

Kasunod na rin ito sa pagkakahuli ng PNP Cauayan sa isang wanted person sa Makati City na si Rlynn Marchan, isang online teacher at HR ng isang pribadong kumpanya sa Makati City na residente ng Barangay Marabulig 1, Cauayan City.

Matatandaan kagabi na nadakip ng mga otoridad si Marchan sa barangay Marabulig Uno sa bisa ng Warrant of arrest dahil sa 89 counts na kasong Qualified Theft.

Kaugnay nito, nagpaalala sa publiko si PLT Scarlette Topinio, tagapagsalita ng PNP Cauayan na gawin lamang ng maayos at tapat ang trabaho para maiwasan ang pagkakaroon ng kaso.

Huwag din aniyang hintayin na matulad sa sinapit ni Marchan kundi magsilbi sana itong aral sa lahat.

Para naman aniya sa mga may dati nang illegal na gawain na magbago at huwag nang hintaying matulad pa kay Marchan kundi magsilbi na itong babala at aral sa lahat.

Pinaalalahanan din ang lahat ng mga nagtatrabaho online tulad ng mga online sellers na huwag mandaya dahil kawawa lamang ang mga mabibiktima.

Facebook Comments