PNP Cauayan, Patuloy ang Pagtugis sa Pumatay sa isang Delivery Boy!

*Cauayan City, Isabela- *Patuloy ang isinasagawang hot pursuit operation ng mga otoridad sa riding-in-tandem criminals matapos ang pamamaril sa isang delivery boy ng kumpanyang LBC bandang 9:00 ng umaga kahapon sa kahabaan ng Canciller Ave. District 1, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Alvin Opulentia, 26 anyos at residente ng Brgy. Nappacu, Reina Mercedes, Isabela.

Sa ngayon ay blangko pa rin ang mga otoridad sa motibo ng pamamaril ng mga hindi pa matukoy na suspek.


Magugunita na pinagbabaril kahapon ng riding in tandem si Opulentia habang binabagtas ang kahabaan ng Canciller Avenue at nang hindi pa nakuntento ang mga suspek ay nilapitan at tinututukang pinagbabaril si Opulentia habang ito ay nakabulagta sa harap ng establisyimento.

Nagtamo ng anim na tama ng bala ng baril sa katawan at ulo si Opulentia at narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang 15 basyo ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Naiuwi na rin ng pamilya ang mga labi ng biktima sa kanilang tahanan.

Facebook Comments