May tatlong bahagi ang gagawing seremonya para sa pagpapalit ng liderato ng Philippine National Police (PNP) at pagreretiro ni outgoing PNP Chief General Archie Gamboa mamaya sa Multi-Purpose Building ng Camp Crame.
Unang bahagi ay ang arrival honors kina Incoming PNP Chief General Camilo Cascolan, Outgoing PNP Chief General Archie Gamboa at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año bilang presiding officer o ang Guest of Honor at speaker.
Pangalawang bahagi ng seremonya ay ang Change of Command Ceremony, kung saan gagawin ang mass singing ng National Anthem, Ecumenical Prayer, Welcome Remarks na gagawin ni Lieutenant General Guillermo Eleazar, presentation of awards, pagbasa at pagpirma ng relinquishment of command ni General Archie Gamboa at Assumption of Command ni General Camilo Cascolan.
Kasunod ay pagbibigay ng inaugural speech ni General Cascolan at mensahe ni Secretary Año.
Sa ikatlong bahagi naman ng programa, gagawin ang retirement ceremony para kay General Gamboa.
Kahapon, inanunsyo nang Malacañang na si General Camilo Cascolan na ang napiling pang 24 na PNP Chief na magre-retire sa November 2020.
Ang seremonya ay gagawin kasama lamang ang mga pamilya at malalapit na kaanak nina General Cascolan at General Gamboa dahil pa rin sa banta ng COVID-19.