Nagbigay direktiba si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., sa lahat ng PNP units na siguraduhing walang magiging sagabal sa lahat ng daanan upang hindi maudlot ang paghahatid ng tulong sa mga naapektuhan ng Bagyong Betty.
Ayon kay Acorda, bagama’t ibinaba na ang klasipikasyon mula super typhoon ay typhoon na lamang si Betty ay maaari pa rin itong magdulot ng pag ulan, pagbaha at landslide sa ilang lugar sa bansa.
Partikular na pinatututukan ni Acorda ang Northern Luzon at Cagayan kung saan nananalasa ang bagyo.
Kaugnay nito, pinakilos na ni PNP Chief Acorda ang lahat ng regional mobile force battalion ng Police regional office 1, 2, 3 at CAR para umasiste sa Humanitarian and Disaster relief (HADR) operations.
Pinaghahanda rin nito ang mga pulis sa kanlurang bahagi ng Visayas, MIMAROPA at CALABARZON dahil posibleng makaranas din ng sama ng panahon ang mga nabanggit na lugar dahil napalakas ng Bagyong Betty ang hanging habagat na maaaring makapagdulot ng mga pag-ulan at pagbaha.