Aminado si Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr., na may pagkukulang sa ipinatupad na seguridad sa kanilang detention facility kung kaya’t nangyari ang hostage taking kay dating Senadora Leila de Lima kahapon.
Ayon kay Azurin, sisilipin nila ang lahat ng security protocols upang hindi na maulit ang kahalintulad na insidente.
Kabilang sa mga rerepasuhin ay ang paraan ng pagpapakain sa mga detainee.
Sinabi ni Azurin na metal kasi ang mga kubyertos na ginagamit ng mga detenido.
Nabatid na tinidor ang ginamit na panaksak ng isa sa mga suspek sa pulis na nagbigay ng pagkain sa detention facility.
Maliban dito, posibleng magdala na rin ng baril ang mga pulis na magpapakain sa mga detainee.
Ibubukod na rin ng piitan ang mga nakakulong na terorista mula sa iba pang high value detainees.
Sa ngayon, naka-heightened alert ang buong kampo krame matapos ang insidente.