PNP Chief Azurin, ipinag-utos ang pag-review sa basic gun handling ng mga police personnel

Naglabas ng direktiba si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., sa lahat ng mga unit commander na pag-aralan muli ang basic gun handling ng kanilang mga tauhan.

Ang direktiba ay ginawa ni PNP Chief Azurin makaraang mamatay ang isang miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) sa San Pablo Laguna Police Station nang aksidente itong maputukan ng kanyang kasamahan habang naglilinis ng service firearms.

Ayon kay Azurin, kailangan itong gawin dahil nag-a-upgrade din ang klase ng baril na iniisyu ng PNP sa kanilang mga kawani.


Aniya, baka ang alam lang ng ilang pulis ay ang pagkalas ng calibre.45, glock at beretta gayong ibang brand na o klase ang binibili ng PNP.

Paliwanag nito, dapat bahagi ang basic gun handling sa regular na information and education ng mga opisyal sa kanilang mga tauhan.

Matatandaang idineklarang dead on arrival sa ospital si PCpl. Fhrank Aldene Yasay dela Cruz matapos siyang aksidenteng maputukan ni PCpl. George Mervin Cañete Duran habang sila ay naglilinis ng kanilang service firearms.

Facebook Comments