PNP Chief Azurin, kasama sa mga pinagsusumite ng courtesy resignation ni DILG Sec. Abalos

Hindi ligtas si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin sa mga pinagsusumite ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos ng courtesy resignation.

Ito ay kaugnay nang isasagawang internal cleansing ng pamahalaan hinggil sa mga sangkot sa iligal na droga.

Ayon kay DILG Chief Abalos, damay si Azurin dahil ang mga pinagsusumite niya ng courtesy resignation ay mula sa ranggong full pledge colonel hanggang general.


Ani Abalos, hangga’t hindi tinatanggap ang courtesy resignation ng mga opisyal ay tuloy-tuloy ang kanilang trabaho.

Sasalain aniya ang mga ito ng binuong 5 man committee at kapag tinanggap na ang kanilang resignation ay saka sila isasalang sa mas malalimang imbestigasyon hanggang sa maipagharap ng kaso sa korte.

Paliwanag nito, walang dapat ikatakot ang mga malilinis na opisyal dahil hindi naman sila matatanggal sa serbisyo.

Kasunod nito, umaapela si Abalos sa mga may ranggong colonel hanggang general sa Pambansang Pulisya na suportahan ang kanyang panawagan upang malinis ang hanay ng PNP mula sa iligal na droga.

Facebook Comments