Manila, Philippines – Pinagre-resign na ng isang kongresista si PNP Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Ito ay bunsod ng resulta ng Pulse Asia Survey kung saan ipinapakita na maraming Pilipino ang naniniwalang may nangyayaring extra-judicial killings.
Sinabi ni Akbayan Rep. Tom Villarin na paagahin at huwag ng hintayin ang Enero para sa pagreretiro nito.
Ibinaba umano ni dela Rosa ang kredibilidad ng PNP sa pinakamababang antas at inilagay ito sa kahihiyan dahil sa oplan tokhang.
Ayon kay Villarin, ang resulta ng survey ay patunay na hindi kinakagat ng publiko ang mga kwentong ‘nanlaban’ ng PNP at katuwirang ginawa lang ng mga pulis ang kanilang trabaho.
Sampal din ito para sa Philippine National Police kahit pa mayorya ang sumusuporta sa giyera kontra iligal na droga ng administrasyon.
Sa survey ng Pulse Asia mula September 24 hanggang 30, 88% ang sumusuporta sa illegal drugs campaign ng pamahalaan habang 2% naman ang hindi.
Samantala, tumaas naman sa 73% mula sa 67% noong Hunyo ang porsyento ng mga Pilipino na naniniwala na nangyayari ang EJKs sa implementasyon ng war on drugs habang 20% naman ang hindi.