Dinepensahan ni PNP Chief Police General Dionardo Carlos ang mga tauhan nitong nahaharap sa kasong murder kaugnay ng nangyaring shooting incident sa Pilar, Abra noong Marso 29.
Sa press conference kanina, sinabi ni Carlos na kinikilala niya ang trabaho ng National Bureau of Investigation na imbestigahan ang insidente.
Pero punto niya, hindi pinansin ng convoy ni Pilar Vice Mayor Jaja Josefina Somera Disono ang checkpoint ng mga pulis kaya’t nauwi ito sa barilan na ikinamatay naman ng kanyang bodyguard.
Aniya, may video footage rin kung saan makikitang sinagasaan pa ng convoy ni Disono ang mga pulis.
Bukod dito, may intelligence report ding binanggit si Cordillera Regional Director Police Brigadier General Ronald Lee hinggil sa paggamit ng armadong kalalakihan sa lugar.
Noong nakaraang linggo, matatandaang naghain ang NBI ng kasong murder sa Department of Justice laban sa mga top police officers sa Cordillera Autonomous Region at Abra dahil sa nangyaring shooting incident.