Ginawaran ng retirement honors si dating Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Dionardo Carlos kahapon sa Camp Crame sa Quezon City.
Pinangunahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año ang retirement honors para kay Carlos bilang representative ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dumalo rin sa nasabing okasyon ang Command Group ng PNP sa pangunguna ni PNP officer-in-charge at Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Vicente Danao Jr.
Sa kaniyang talumpati, nagpasalamat si Carlos kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa buong 225,000 opisyal at miyembro ng PNP sa tiwala ibinigay sa kaniya para mamuno sa PNP.
Kasunod nito ay iginawad din ni Año kay Carlos ang Presidential Legion of Honors, iba’t ibang parangal at mga memento bilang pabaon ng PNP sa kaniyang pagreretiro sa serbisyo.
Batay sa binasang retirement order ni Maj. Gen. Herminio Tadeo, PNP Director for Personnel and Records Management, epektibo ang retirement ni Carlos bukas, Mayo 8 kung saan awtomatiko namang uupo si Danao bilang OIC ng PNP.