PNP Chief Eleazar, inutos na ang pagbuo ng Special Investigation Task Group para matutukan ang kaso ng pagpatay sa isang radio commentator sa Cebu

Inutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa Cebu Provincial Police Office na bumuo ng Special Investigation Task Group para mas matutukan ang imbestigasyon sa pagpatay sa isang radio commentator sa Cebu.

Ayon kay Eleazar, walang puwang lalo na sa isang demokrasyang bansa ang pananakot, pananakit at pagpatay sa mga taong tinuturing na simbolo ng malayang pagpapahayag.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, kahapon ay pinagbabaril at napatay nang hindi pa nakikilang gunman ang radio commentator na si Reynante “Rey” Cortes sa harap mismo ng DYRB Radyo Pilipino Station sa N. Bacalso Avenue sa Barangay Mambaling, Cebu City.


Sinabi ni Eleazar, lahat ng posibleng motibo sa pagpatay ay tinitingnan ng pulisya.

Sa ngayon ay patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga police investigator sa pamilya nang pinatay na radio commentator para makakuha ng impormasyon na tutukoy sa salarin sa krimen.

Panawagan din ng pulisya sa mga taong makakapagbigay ng impormasyon kaugnay sa krimen na makipagtulungan sa kanila para agad maresolba ang kaso.

Facebook Comments