Inutusan ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar ang mga concerned PNP units na alamin ang mga posibleng problema sa paglipat ng mga baril at body armor vests sa mga Police Regional Offices na tinukoy ng Commission on Audit (COA) sa kanilang audit report.
Pagtitiyak ni Eleazar, kumikilos na ang PNP Accounting Division, Directorate for Comptrollership, at Directorate for Logistics upang matiyak na ang lahat ng kagamitan ay na-deliver sa mga dapat nakatanggap.
Aniya pa inaalam na ng mga nasabing tanggapan ng PNP kung bakit hindi nag-ma-match ang mga records sa National Headquarters sa records ng mga Police Regional Offices.
Ang mga regional offices na tinukoy ng COA ay ang: Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Cordillera Administrative Region, (CAR) at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Giit ni Eleazar, kailangang maitama ang mga rekord upang masigurong walang isyu sa pag-deploy ng mga armas at kagamitan.
Siniguro pa ni Eleazar sa COA na transparent ang PNP, kasabay ng pagtiyak na ang lahat ng kanilang gamit ay nai-deliver at “accounted for”.