Ininspeksyon kaninang umaga ni Philippine National Police (PNP) Chief Pol. Gen. Guillermo Eleazar ang Tagkawayan Municipal Police Station (MPS) sa Quezon na bahagi ng kanyang pagpapatupad ng “Intensified Cleanliness Campaign.”
Ayon sa PNP Chief, hindi siya nagsagawa ng inspeksyon nang nakalipas na weekend matapos ianunsyo ang kanyang kampanya para sa mga malinis at maayos na istasyon ng pulis.
Sinadya raw na unahin ang Tagkawayan Municipal Police Station dahil ito ang kanyang “hometown.”
Matapos ang inspeksyon, pinangunahan ni Gen. Eleazar ang pagpapanumpa sa mga support groups at force multipliers ng Tagkawayan PNP na katuwang ng mga pulis sa pagpapanatili ng kaayusan sa lugar.
Ang inspeksyon ay parte ng pagbabalik ng PNP Chief sa kanyang “hometown” upang magbigay pugay at magpasalamat sa kanyang mga kababayan.
Sa kanyang pagharap sa kanyang mga kababayan, hindi napigilan ni Gen. Eleazar na maluha nang isalaysay niya kung paano nagtungo ng Maynila ang isang batang paslit mula sa Tagkawayan para kumuha ng pagsusulit sa Philippine Military Academy (PMA) at ngayon ay bumabalik sa Tagkawayan bilang PNP Chief.